Walang Pilipinong magpapasalamat kapag nabasa ang Tagalog na saling-wika ng CLOSED (SARADO PO) sa desk ng teller sa Etisalat Network outlet sa Deira City Center Mall. Hindi ko mawari kung dulot lang ba ng pagod ko, dahil lagpas alas-9 na nang dumaan ako para magbayad ng internet, kaya nag-init ang ulo, namula ang mga pisngi, at bahagyang napaangat ang kaliwang kilay ko.

Etisalat Outlet (Deira City Center mall)

Pagkapahiya? Pagkasuya? Pagkainsulto? Dapat ko bang ikatuwa na kinikilala ang lengwahe nating mga Pilipino dito sa UAE? O dapat ituwid ang isa na namang pangmamaliit ng kapwa pa man din natin Pilipino sa kaalaman natin sa Ingles?

Hindi na bago sa akin ang mga estrangherong ibang lahi na nagpalipad-hangin, nambabati, at nang-aayang sumakay sa sasakyan nila gamit ang pinulot at inensayong salitang Tagalog tulad ng “Kumusta ka?”, “Saan ka pupunta?”, “Anong pangalan mo?” “Maganda.” Madaling iwalang-bahala ang mga ito. Ngunit ang paalalang, nakasulat pa man din, “SARADO PO” ay malinaw na pangmamaliit sa kakayanan nating umunawa sa simpleng salitang Ingles na “CLOSED”.

By Issa