Ilang taon na rin akong di nababahala na walang telebisyong natutunghayan o inaantabayanan araw-gabi. Ngayon lang. Ngayon lamang na nagkaroon ako ng pagkakataong tumutok sa CNN Channel nang halos dalawang oras na walang patid. Marami pala akong di namamalayan.

I like the "GO BEYOND BORDERS" tagline!

 

Maraming pangyayari sa kasaysayan ang di ko pala nasusubaybayan. Maraming usapang may katuturan ang di ko maialok o malahukan.

Iisa ang tema ng mga balitang napanood ko: mga labanan sa Gitnang-Silangang Asya at ang epekto nito sa mga sibilyan. Wala dapat akong pakialam, una, hindi ako UN Sec., pangalawa, di naman ako pilantropo, at pangatlo, anong magagawa ng pagmamatyag ko sa mga kaganapang ito?

Ngunit di nga ba dapat akong mabahala? O di kaya man lang umusal ng dasal para sa mga kaawa-awang biktima ng walang humpay na alitan ng mga grupo, tribo, o bansang nakapaligid sa akin?

Katatapos ko lang ihatid at samahang saglit ang tiyahin kong nagbakasyon galing sa base-militar ng Estados Unidos sa Afghanistan. Naiwan ako sa kwarto nila sa Dubai Grand Hotel dahil di naman ako manggagawa ng Dynacorp. Pagbalik nilang dalawa, nahuli nilang nanonood ako ng CNN Channel at tungkol sa Libya ang nasa screen. Nagkomento ako:

“Grabe naman pala ‘no.. Kulang na kulang ang suporta sa mga tumakas sa Libya. 750,000 na lahat ng lumikas..lahat yun nawalan ng trabaho.”

Sumagot ang kasama ng tiyahin ko: “kaya nga sinabihan ko ung kaibigan ko sa Libya na wag na lang umuwi. Tiisin na lang nya. Matatapos din yan. Parang sa Afghanistan.”

Tahimik kong nausal: “paano nya naiisip ang opportunity amidst catastrophe?”

Pumailanlang ang report ng residente ng Syria sa THE BRIEF with Jim Clancy. Iniisa-isa ng residente ang naoobserbahan nya sa siyudad ng Homs sa Syria.  Napatanong ako:

“Hindi ba natutulog ang snipers?”

“6-6-6-6 yan. Tig-aanim na oras sila sa pwesto. Palitan ang mga nagmamanman at namamaril,” maalam na turan ni Ate.

Haay.. Gusto ko ng TV na may CNN Channel.

By Issa