I’m grateful I got home safely.
Salat man sa pasalubong na karaniwang inaasahan sa nagbabalik-bayan, nakakatuwang masaya naman ang pamilya ko sa pagsundo sa akin mula sa paradahan ng jeep.
Nagkwentuhan. Naglitratuhan. Nagtawanan. Nagkainan. Nabanggit din lang ang kainan, daig ko pa ang nagdadalantaong naglilihi kung makahirit:
“Nay, Mais.. mani.. mangga..”
ang ilan sa aking paborito. Ang inasam-asam matikmang muli. Mga pagkaing kayrami at kaydaling mabili sa Pinas.
Si Tatay naman ay di nagpahuli sa pag-aasikaso. Nagpabili ng bangus (milk fish) at pusit (squid) para ihawin. Hahay.. na-miss ko ‘to. Lutong-tatay, lutong-bahay, pati ang pag-aalaga ni Nanay.
Isang buong pusit ang inihain ni ama (ako lang ang buo ang pusit, haha) at naubos ko itong mag-isa, habang manaka-nakang sinusubuan ang aking nag-iisang babaeng pamangkin. Isda at kanin lamang ang pwede sa kanya, takot kasi si ate na di sya matunawan.
Tulog na bandang alas-diyes, ngunit nagising ng ala-una ng madaling-araw… inuusal:
“Nay..gising. Bili mo ko ng kape sa kanto.”
Ngunit nangimi akong manggising dahil sobrang himbing sya. Hanggang ngayon (4:15 AM), naghihintay pa rin akong may makarinig sa hikbi ng di natunawan.