Maswerteng di nasalanta ang pataniman ni ama,
Mapalad na di naubusan ng mamimili si ina,
May awa ang langit na muling nakapagpadala,
Pambayad sa ikalawang semestrong matrikula.
Ika ng anak, “ang makatapos ay aking karapatan,
Aking mga magulang, marapat lang akong tustusan,
Yaman nila’y para sa aking kinabukasan,
Dugo’t pawis nila’y ibuhos, sa’kin lang ilaan.”
Tanging asam nila’y mapalaya ka sa kamangmangan,
Ang edukasyong binili’y magsukli ng karunungan,
Ina’y lumuwas upang saglit kang makita’t mahagkan,
Umuwing sakbibi ng lungkot sa kanyang nasilayan.
“Paano ko ikukuwento sa kanyang ama?
Paano ko sasabihing nakikipisan na sya?
Lalaking walang hiya, walang konsensya,
Paano ko ipaliliwanag na mapapahamak sya?”
Sa bus, walang patid syang lumuluha,
Titig na titig sa larawan ng kolehiyala,
Nagsisisi, nagagalit, lubos na nababahala,
Sa halip na paglaya,pinili ng anak ay tanikala.