ni Pat Villafuerte
1. nakahihirin ang bawat paglunok ng laway
na sinaid ng mga pagbilin at pagpapaalala
habang ang bawat bisig at mga labi
ay nag-iiwan ng bakas ng pangungulila.
di mahawan ang sapot ng pagluha
na binikig ng putul-putol na pangangaral at paninisi,
ng pangangatuwiran at pagtanggap,
ng pagbabalik-loob at pagpapatawad.
sa nalalapit kong paglisan,
kayraming nag-ugat na samu’t saring alalahanin
na parang asidong tumutunaw sa aking puso at kaluluwa:
doon, sa establisyementong ang naghahari’y kapangyariha’t dolyar
ay naroon sila’t tila mga rebultong di mapagtanungan,
walang tamis ng pagtanggap,silang nangabulag sa aking papel,
silang nangapipi sa aking dokumento,
silang mga umalipusta sa aking diploma,
silang mga nangiligkig sa aking serbisyo,
mula ulo hanggang paa,
ang pagkakatitig nila’y sumusunog sa aking puso’t utak.
hinalay ako ng kanilang maaanghang na salita
niluray ako ng kanilang matatalim na tanong
dinurog ako ng kanilang di-masikmurang pamumuna.
habang doon, sa dako pa roon sa lugar naming tanging sikat ng araw
ang nabubuhay ay limang bibig ang sa aki’y naghihintay at umaasam.
ay, wala na.
wala nang bisa ang pakiramdaman
wala nang ritmo ang awit ng aking pagsusumamo.
sa gabi, at bukas ng gabi, at sa susunod pang mga gabi . . .
habang binabagabag ako
ng pudpod na puwit ng saingan at atungal ng aking bunso –
ang binabanig ko’y lungkot,
ang inuunan ko’y hapis,
ang kinukumot ko’y luha habang sa aking tabi,
ang aking asawa’y nangingiki sa lagnat at pagkalam ng sikmura.
ay, ano’t di ko mayakap ang buwan gayong nakamatyag sa akin sa buong magdamag?
ay, ano’t di ko mahagkan ang hangin gayong idinuduyan akong may pagsuyong ganap?
kayat nagpasya ako –nasa paglisan ang ulap,
nasa pagtakas ang langit,
nasa pagpapaampon ang kaluwalhatian.
2.kayrami naming tumawid-dagat sa silong ng mga bituin
bawat buntung-hininga’y isang usal na dalangin,
bawat ubo-dahak-dura’y isang awit ng paghiling,
bawat araw ay isang siklo ng pakikipagtunggali,
bawat oras-minuto-segundo’y isang sipol ng pag-asam.
at isang bagong daigdig ang kumupkop sa akin –
binago ako ng kanyang kultura’t sibilisasyon,
ng kanyang saloobin at mithiin.
binuhay ako ng munting negosyong pausad-usad matapos makipagkalakalan,
habang sa nilisang bayan ay naibubulong sa akin ng hangin –
ang maraming pagsabog, ang lantarang katiwalian,
ang dayaan sa eleksyon, ang pagmamaltrato sa mga bata, babae, matanda’t kasambahay;
ang abot-langit na pamumulitika, ang labanang muslim at militar,
ang pagbagsak ng ekonomiya’t ang pagkalagas ng mga militanteng bayani ng lansangan.
paulit-ulit.paulit-ulit.paulit-ulit.
ay, salamat sa pagkupkop
sa walang kaseguruhang pag-ampon na hininog ng maraming pag-aalinlangan.
dito, ang dayuhang tulad ko’y iginagalangdito,
ang dayuhang tulad ko’y may laya’t karapatan dito,
ang dayuhang tulad ko’y pinahahalagahan.
ay, salamat sa pagkupkop
salamat sa mayroon nang kaseguruhang pag-ampon
na hininog ng maraming pangako.
3.isang pahina ang idinagdag sa kasaysayan ng pandarayuhan.
maghahatinggabi, malalaking yabag
ang tila bumiyak sa namamahingang lupasaliw ng mga iyak,
hikbi, atungal, ungol, sigaw, panangis at panaghoy.
isang grupong unipormado ang sumuyod sa aming komunidad –
hinahanap ang isang kapirasong papel
itinatanong ang legalidad ng aming panananahan.
ginagalugad ang aming mga ari-arian.
para kaming mga bubuwit na naghahanap ng mapaglulunggaan
alumpihit, nagsusumiksik sa isang sulok upang makaiwas sa maraming paghataw
tulak dito, tulak doon . . . hataw dito, hataw doon . . .
kayrami naming hinubdan ng laya’t karapatan –
lalaki’t babae,kahit matanda na’y may iisang kahatulan:
lpiit ang mga ilegal na naninirahan! ito ang dikreto.
ito ang kapasyahan.
ito ang kahatulan.
4.isang manipesto ang aking inihanda na isinulat ko sa dugo at luha,
ngalan ng dalawang daan at labing anim na kaluluwang ligaw ang nakatala –
hinihingi nami’y kalayaan at katarungan, katarungan at kalayaan.
ngunit . . . may lambong ang ulap na hatid ng langit,
may takip na anino ang mukha ng buwan,
parang kamatayang di napaghahandaan ang aking naranasan.
mangyari, lupig ako ng isang sistema,
supil ako ng isang ideolohiya,
kontrolado ako ng politika.
bansa sa bansa, asyano sa asyano,
tao sa tao.bansa, asyano, tao.
isang dilema ang pagpili: rehas na bakal o bansang nilisan . . .
piitan o balik-bayan?
may pagkakataon palang kailangang kainin ang suka’t
inumin ang laway
at ipagpikit-mata ang isang pagpapasya.
ngayo’y babalikan ko ang nilisang bayan na humalay sa akin,
lumuray sa akin, dumurog sa akin.
ay, isang pagpapatiwakal ang gagawin kong pagbabalik.
ang pagbabalik ay isang pagpapatiwakal.
huwag naman sanang sa pagbabalik ko,
ang sumalubong sa akin ay ang maraming pagsabog,
ang lantarang katiwalian,
ang dayaan sa eleksyon,
ang pagmamaltrato sa mga bata, matanda’t kasambahay,
ang abot-langit na pamumulitika, ang labanang muslim at militar,
ang pagbagsak ng ekonomiya’t ang pagkalagas ng mga militanteng bayani ng lansangan.
dahil kapag ito ang naganap,
kapag ito ang aking nasaksihan,
isang bagong manipesto ang maidaragdag sa kasaysayan.
Maligayang kaarawan sa’yo, Sir. 🙂