Panahon na naman ng Ramadan. Ang dating nababasa ko lang sa aklat ay nakikita ko na sa totoong buhay. Bawal makitang kumakain, umiinom o ngumunguya sa daan. Ito ay bilang respeto sa mga nagpapalipas ng gutom para sa relihiyon.
Di man lubos na tanggap ng aking tiyan, mainam na lang na unawain, at sumunod sa patakaran. Baka mas maiyak pa ako sa 2,500 AED na multa dahil lang sa paglabag.
Sa opisina, karamihan ng katrabaho ko ay Muslim. Kahit kape sa ngayon, kailangang ubusin sa loob ng pantry nang di makasagi sa damdamin at paniniwala ng mga may kapangyarihan. Mas maikli rin ang pasensya nila sa ngayon, siyempre gutom.
Ngunit kahit hindi Muslim, nagdiriwang din. Akalain mong anim na oras na lang ang dating walo hanggang siyam na oras na trabaho. Ipinapairal ito ng gobyerno dito kaya mahigpit na sinusunod ng mga kompanya, mabibilang lang ang mga nagtatrabaho pa rin gaya ng normal na araw.
Walang pagkakaiba para sa akin – OT pa rin. Mainit naman sa labas. Walang bakanteng mesang mapagsusulatan sa bahay. Maraming tao sa iisang bubong, lalong lumiliit sa paningin ko ang tinutuluyan ko dahil sa dami ng umuupa. Pero di ko naman iyon masyadong problema, basta may matutulugan na komportable, ayos lang sakin.
Hindi ko naman kailanman naisip permanenteng manirahan dito, eh. Gustong-gusto ko pa rin umuwi sa Pinas, sa bawat araw. Ngunit kailangan magtiis pansamantala para ang “bukas” mas masaya. 🙂