Pangalawang balik ko na sa Embahada ng Lebanon. Suya sa init, kabado sa resulta, at bagot sa haba ng pila; nagkamali pa ng numerong napindot sa makinang nagtatakda kung pang-ilan ako sa mahabang linya, nahapo akong napaupo sa isa sa mga de-kutsong asul na silya sa bandang likuran. Luminga-linga, nagsisi ako na di ko nabitbit ang kahit isa man lang sa mga librong di ko pa tapos basahin. Buti na lang may nakasingit na ‘gum’ sa walet (sukli sa ‘kin pagbili ko ng mansanas kagabi.)

Biglang may lumapit. Nagtanong:

“Saan kumukuha ng numero para sa application ng visa?” ang tinig ay mula sa manong na nakasuot ng abuhing polo at pantalon.

Nadala at natuto sa pagkakamali, nasagot ko:”Pindutin nyo lang po iyong number 1.”

At tumungo na nga siya, kumuha ng numero at umupo malapit sa kinaroroonan ko – sapat ang isang dipa para makapag-usap nang di nakagagambala sa ibang taong naroroon. Mga karaniwang tanong sa simula. Di ko pa rin mapigilang mapahikab dahil talagang salat ako sa tulog. Tumalas lang ang pandinig ko noong nagkukwento na sya tungkol sa mga anak niya na kahit babad sa kulturang banyaga, nanatili pa ring Pinoy ang ilang gawi.

“Pag sa bahay, Tagalog kami. Mag-iingles man sila, mayroon pa rin ‘po’ o ‘opo’.” Maya-maya’y nadako sa bilang at kasarian ng anak ang usapan, biglang nasambit nya:

“Maagang pinagpahinga ang nag-iisang anak kong lalaki,” tila sya napatingin sa kawalan, may alaalang sinusubukang balikan.

“Ano pong nangyari?” usisa ko.

“May brain tumor sya, isa sa limang doktor lang sa St. Lukes ang nag-suggest na magpaopera sya kaya di na namin pinagalaw. Yung tumor kasi nasa gitna ng utak, hindi maaring tanggalin. Bibiyakin ang ulo kung ipapa-biopsy. At masyadong bata ang tatlong taong gulang para ipa-chemotheraphy.”

Hindi ako nakapagsalita. Napatitig lang.

“Pero alam mo, hindi sya mareklamo. Pag pakiramdam ko inaatake sya ng sakit sa ulo, magsasabi lang na, ‘Papa, pahinga lang muna ako ha’. Matutulog sya, pero nakikita ko na ngumingiwi sya. Nahihirapan, pero walang ingay na pinaglalabanan ang sakit.”

Nangilid ang mumunting luha sa mga mata ko, ngunit napigilan ang pagtulo nito. Di pa rin ako nagsasalita…

“Tahimik lang syang nawala… Namayapa.”

Matapos ang mga katagang iyon, nagtungo sya sa banyo, eksakto namang lumabas sa ‘screen’ ang numerong hawak ko. Sa Miyerkules ko makukuha ang visa. Swerte, lalabas bago ang alis ng doktor. Ngunit, di ko pa rin mawaglit sa isip ko ang tahimik na pagpanaw ng tatlong-taong gulang na bata… mapalad sa maagang pamamayapa… ang huli kong naisip…

By Issa