Masasabi kong sa lahat ng kapatid ni ate, ako ang una nyang minahal. Paano ko nasabi? Kwento ko sa inyo.
Noong anim na taon pa lang sya, at tatlong taon ako, kalong-kalong nya ako habang nasa gilid kami ng tulay. Gawa pa ito sa kahoy kaya di matibay. Tapos biglang may paparating na malaking sasakyan, trak yata iyon na di ko mawari kung anong laman. Napapikit kasi ako sa lakas ng ihip ng hangin. Nadama kong humigpit ang pagkakahawak ni ate, kahit bahagyang nanginginig ang mga bisig at kamay nya. Parang nananadya namang nagtagal ang malaking sasakyan, tila ba sinusubok ang tibay ng kahoy na tulay o ng kalooban ni ate. Ang totoo, wala akong takot na nadama. Siguro kasi kasama ko si ate.
Si ate rin ang nagturo sa akin ng division. Si tatay kasi pinamemorya lang sa ‘kin ang multiplication table tapos pinaubaya na ako kay ate. Hindi yata nya hilig ang numero. Nakasanayan ko nang isipin na kapag kaya ni ate, kaya ko rin. Pagkanta. Pagtugtog ng gitara. Paglalaro ng chess. Parang idolo lang?
Si Ate, palaging nakangiti. Parang walang pasanin. Kaarawan nya kahapon. Dalawampu’t anim, este siyam, na sya. Happy birthday, ‘te. I love you.