Uso sa mga nangingibang-bansa ang makipag-usap sa sarili. Hindi ito senyales ng kabaliwan – ngunit maari rin. Sa halos dalawang-taon kong pananatili sa UAE, ngayon pa lang ako nakatagpo ng kasambahay na maituturing kong “uncle”. Madalas kasi sa mga kalalakihan dito, palainom, palakain, palatulog. Di mo sila masisi. Karamihan kasi isang araw sa isang linggo lang ang pahinga at ang pinakamadaling gawin ay tumunganga, kumain at matulog. Pero iba si Uncle.
Sa tantiya ko, mag-aanimnapung taon na si Uncle. Una akong natuwa sa timbre at tono ng pagsasalita nya. Mahinahon, pero hindi nakakaantok. Siguro naalala ko lang si Tatay sa kanya. Madalas mangaral at magkwento.
Madalas kong matagpuan si Uncle sa kusina, di dahil matakaw sya, kundi dahil mahilig syang magluto. Kakatwa. Napagkwentuhan namin minsan ang kinabukasan at may ilang bagay akong natuklasan.
Iisa lang ang anak ni Uncle. Si Alexandra o Alex. Nursing student at patapos na sa 2012. Nagtaka ako na kinailangan pang mangibang-bansa ni Uncle para maitaguyod si Alex at ang kanyang maybahay. Nagtapos ng Accounting ang asawa ni Uncle, ngunit di kumuha ng eksamen. Simple lang silang namumuhay sa Pampanga – nang biglang tinabunan ng lahar ang negosyong pinaghirapan nyang ipundar noong 1991.
Naaninag ko sa mukha ni Uncle ang panghihinayang bagamat bakas sa kanya ang pag-asang makakabawi rin sya bukas. Pauwi si Uncle bukas sa Pilipinas. Di alam ng misis at anak nya. Sosorpresahin nya raw. Hindi ba nakakatuwa? Gusto ko na rin tuloy umuwi. Napag-usapan nga namin ang Pilipinas. Bakit di kayang alagaan ng sariling bansa ang mga naninirahan dito? Bakit kailangang makisiksik sa lupa ng banyaga? Bakit kailangang tiisin ang pangmamaliit ng ibang lahi sa Pilipinas at Pilipino?
Hindi na mahalaga kung bakit. Ang dapat na itanong ay kung paano. Paano lilinangin ng mga Pilipino ang kanilang angking talino at yaman ng Pilipinas para mamuhay nang di kinakapos at di kailangang mapalayo sa minamahal nila?